LiteraryBy Harold James Roxas
10 Bagay Na Natutunan Ko Sa Komsay
Inspired by Juan Miguel Severo’s Sampung Bagay na Natutunan ko sa mga Umiibig
Una, ang tamis ng gumagana na program, mga pagsubok na inakala mong hindi mo malalampasan pero hindi mo sinukuan. Na nararamdaman mo pa ang ngiti sa iyong mga labi at kilig sa paghiga mo sa kama. Dito mo malalaman ang sarap ng tagumpay na wari mo ay humahaplos sa iyong kaluluwa.
Pangalawa, mararamdaman mo ang kumpiyansa sa sarili na tila malinaw na sa iyo ang iyong mga pangarap. Nalunod ka na sa Python, sa C, sa Javascript. Pero paano naman ang Scheme? Paano ang Erlang? Paano ang Assembly? Napakadaling malunod sa ilusyon na ang akala mong kaya mo, siya pang magpapatumba sayo.
Pangatlo, may mga butaw talagang mga kagrupo.
Pero pang-apat, hindi ka naman magpapatalo dahil ang pangarap, hindi sinusukuan diba?
Pang-lima. Dugo. Pawis. Iyak. Madugo ang mga nalalabing panahon dahil sa pagtatapos nito ay pagtapos din sa sarili mo. Matinding pawis dahil sa pagbubuhat sa proyekto at iiyak ang kagrupo mo dahil
Pang-anim, may mga peer eval naman na magbibigay hustisya sa paghihirap mo, dahil may kapangyarihan ka na ibagsak yung butaw mong kagrupo.
Pero pangpito, hindi dito natatapos ang lahat dahil simula pa lang ng iyong pagpapaksakit.
Dahil pangwalo, ang ating mga pangarap ay sadyang kay hirap na abutin. Na kapag ang pakpak na binigay sa atin ay hindi na sapat para maabot ang mga bituin. Na hinihintay na lang natin ang ating pagbagsak. Pagbagsak mula sa alapaap.
Pang-siyam, malapit na ang wakas, at naglalakad ka na sa dilim. Sa pagyuko mo, at pagtingin sa baba, tumingala ka at pagmasdan ang mga tala. Hindi lahat nagniningning at marahil, sa ngayon, ikaw rin.
At pang-sampu, magpursige ka pa. Mula sa mga sugat na natamo mo, lumaban ka pa. Bumangon ka sa huling pagkakataon, pagkatapos – graduate ka na.
